ANG ATING KULTURA NG DROGA
Ang mga droga ay naging bahagi na ng ating kultura simula pa noong kalagitnaan ng nakaraang siglo. Pinasikat noong mga 1960 ng musika at pangkalahatang pamamahayag, sinasakop ng mga ito ang lahat ng aspeto ng lipunan.
Humigit-kumulang 208 milyong tao sa buong mundo ang gumagamit ng ilegal na mga droga. Sa Estados Unidos, ipinakita ng mga resulta ng National Survey on Drug Use and Health (Pambansang Sarbey sa Paggamit sa Droga at Kalusugan) noong 2007 na 19.9 milyong Amerikano (o 8% ng populasyong gulang 2 o mas matanda pa) ay gumamit ng ilegal na mga droga isang buwan bago isinagawa ang sarbey.
Maaaring may kakilala kang naapektuhan ng mga droga, direkta o hindi direkta.
Ang pinakakaraniwang ginagamit at inaabusong droga sa Estados Unidos ay alkohol. Ang mga aksidente sa kalsadang may kinalaman sa alkohol ang ikalawang pangunahing sanhi ng kamatayan ng mga kabataan sa Estados Unidos.
Ang pinakakaraniwang ginagamit na ilegal na droga ay marijuana. Ayon sa Pandaigdigang Ulat sa Droga ng Mga Nagkakaisang Bansa noong 2008, mga 3.9% ng populasyon ng buong mundo sa pagitan ng gulang na 15 at 64 ay umaabuso ng marijuana.
Ang mga kabataan ngayon ay nalalantad nang mas maaga sa mga droga kumpara sa kahit anong panahon. Batay sa isang sarbey ng Centers for Disease Control noong 2007, 45% ng mga mag-aaral ng mataas na paaralan sa buong bansa ay uminom ng alkohol at 19.7% ang humithit ng marijuana sa loob ng isang buwan.
Sa Europa, ipinakita ng isang kamakailang pag-aaral sa mga 15 at 16 taong gulang na ang paggamit ng marijuana ay paiba-iba mula sa mas mababa sa 10% hanggang sa higit sa 40%, kung saan ang pinakamatataas na antas ay inuulat ng mga kabataan sa Czech Republic (44%), sinusundan ng Irelanda (39%), Inglatera (38%) at Pransiya (38%). Sa Espanya at Inglatera, ang paggamit ng cocaine sa mga gulang 15 hanggang 16 ay 4% to 6%. Ang paggamit ng cocaine sa mga kabataan ay tumaas sa Denmark, Italya, Espanya, UK, Norway at Pransiya.
“Ang layunin ko sa buhay ay hindi ang mabuhay ... ang layunin ko sa buhay ay ma-high. Sa paglipas ng mga taon, bumaling ako sa cocaine, marijuana at alkohol sa maling paniniwala na hahayaan nito akong makatakas mula sa aking mga problema. Pinalala lamang nito ang mga bagay-bagay. Palagi kong sinasabi sa aking sarili, titigil na ako nang tuluyan pagkatapos gumamit sa huling pagkakataon. Kahit kailan hindi ito nangyari.” —John
“Nagsimula ito sa weed, pagkatapos ay mga pildoras (Ecstasy) at acid, gumagawa ng mga cocktail ng lahat ng klase ng mga droga, at hinahayaan ko pang masobrahan ang sarili ko para mapatagal pa ang mga epekto. Nagkaroon ako ng hindi magandang trip isang gabi... Nagdasal ako’t umiyak para mawala ang pakiramdam na ito, nakarinig ako ng mga boses, nangangatog at hindi makaalis ng bahay sa loob ng anim na buwan. Akala ko pinapanood ako ng lahat ng tao. Hindi ako makapaglakad sa
mga pampublikong lugar. Diyos ko po! Ni hindi man lamang ako makapagmaneho.
“Nauwi ako sa pagiging walang tirahan, nabubuhay at nakatira sa isang kartong kahon, namamalimos at naghihikaos na humanap ng mga paraan para makuha ang susunod kong makakain.” — Ben