ANG MGA YUGTO NG METH “EXPERIENCE”

1) Ang Rush— Ang rush ay ang pangunahing reaksiyong nararamdaman ng isang nang-aabuso kapag humithit o nagturok ng methamphetamine. Habang nasa rush, ang pintig ng puso ay dumadagundong at ang metabolism1 presyon ng dugo at pulso ng nang-aabuso ay pumapaimbulog. Di tulad ng rush na nauugnay sa crack cocaine, na tumatagal ng halos dalawa hanggang limang minuto, ang methamphetamine rush ay maaaring magpatuloy hanggang 30 minuto.

2) Ang High—Ang rush ay sinusundan ng isang “high”, minsan ay tinatawag na “the shoulder.” Habang “high”, kalimitang pakiramdam ng nang-aabuso na siya ay mapusok na mas marunong at nagiging mapagtalo, kalimitang sumasabat sa pag-uusap ng ibang tao at tinatapos ang kanilang
mga pangungusap. Ang mga delusyonal epekto nito ay maaaring magdulot sa isang gumagamit na maging sobrang nakatutok sa isang bagay na walang halaga, tulad nang paulit-ulit na paglilinis sa parehong bintana sa loob ng ilang oras. Ang “high” ay maaaring tumagal ng 4-16 oras.

3) Ang “Binge”—Ang “binge” ay ang hindi kontroladong paggamit ng isang droga o alkohol. Tumutukoy ito sa matinding pagnanais na umaabusong panatilihin ang “high” sa pamamagitan ng paghithit o pagtuturok ng mas maraming methamphetamine. Ang “binge” ay maaaring tumagal ng mula 3-15 araw. Habang nasa “binge”, ang nang-aabuso ay nagiging sobrang hindi mapakali parehong sa isipan at sa katawan. Bawat beses na humihithit o nagtuturok nang mas marami pa ang nang-aabuso, nakararanas siya ng iba ngunit mas mababang “rush” hanggang sa paglaon ay wala nang “rush” at walang “high”.

4) Tweaking—Ang isang nang-aabuso ng methamphetamine ay pinakamapanganib kapag nakararanas ng isang yugto ng adiksyong tinatawag na “tweaking”—isang kondisyong nararating sa dulo ng isang “drug binge” kung saan ang methamphetamine ay hindi na nagbibigay ng “rush” o “high”. Hindi mapawi ang nakatatakot na mga pakiramdam ng kawalan at matinding pagnanais, ang isang nang-aabuso ay nawawalan ng diwa ng kanyang pagkakakilanlan. Ang matinding pangangati ay karaniwan at ang gumagamit ay maaaring makumbinsi na may mga insektong gumagapang sa ilalim ng kanyang balat. Hindi makatulog sa loob ng maraming araw, ang nang-aabuso ay kalimitang nasa isang estado ng ganap na pagkabaliw at siya ay nabubuhay sa kanyang sariling mundo, nakakikita at nakaririnig ng mga bagay-bagay na hindi maintindihan ng kahit sino. Ang kanyang mga guni-guni ay napakalinaw na para silang totoo at, hindi konektado sa katotohanan, maaari siyang maging mabangis at mapanganib sa kanyang sarili at sa ibang tao. Mataas ang potensyal sa pananakit sa sarili.

5) Ang Crash—Para sa umaabusong nagbi-binge, nangyayari ang pagbagsak kapag tumitigil sa paggana ang katawan, hindi makaagapay sa mga epekto ng drogang sumasakop dito; nagreresulta ito sa isang mahabang panahon ng pagtulog para sa taong iyon. Kahit na ang pinakamasama, pinakamalupit na nang-aabuso ay nagiging halos walang buhay habang nasa yugto ng crash. Ang crash ay maaaring tumagal mula isa hanggang tatlong araw.

6) Meth Hangover—Pagkatapos ng crash, bumabalik ang nang-aabuso sa isang bumabang estado, gutom, tuyot at pagud na pagod sa pisikal, pangkaisipan at emosyonal na paraan. Ang bahaging ito ay karaniwang tumatagal mula 2 hanggang 14 araw. Ito ay humahantong sa sapilitang adiksyon, dahil ang “solusyon” sa ganitong mga pakiramdam ay ang paggamit ng mas maraming meth.

7) Ang Withdrawal—Kalimitan 30 hanggang 90 araw ang maaaring lumipas pagkatapos ng huling paggamit ng droga bago matanto ng nang-aabuso na siya ay nasa withdrawal. Una, nagiging napakalungkot niya, nawawalan siya ng enerhiya at ang kakayahang makaranas ng kaligayahan. Pagkatapos ay papalo ang matinding paghahanap para sa methamphetamine, at madalas na ang nang-aabuso ay kalimitang gustong magpatiwakal. Dahil ang meth withdrawal ay napakasakit at mahirap, karamihan sa mga nang-aabuso ay bumabalik sa bisyo; kaya, 93% ng mga nasa tradisyonal na paggagamot ay nagbabalik sa pang-aabuso ng methamphetamine.

  1. 1. metabolism: ang mga proseso sa katawan na nagbabago sa pagkain para maging enerhiya