ANG MGA MAAARING KALABASAN SA PAGGAMIT NG ECSTASY



Tinatabunan ng Ecstasy ang likas na mga senyales pangkaligtasang inilalabas ng katawan. Bilang resulta, matapos gumamit ng droga, maaaring sumuong ang isang tao sa mga panganib nang higit sa kanyang pisikal na limitasyon at kakayahan. Halimbawa, maaaring hindi man lamang alam ng isang taong gumagamit ng Ecstasy na siya ay sobrang naiinitan at maaaring mahimatay o mamatay dahil sa heatstroke.

Natuklasan ng isang pag-aaral na ginawa ng University of Texas Center for Social Work Research (Sentro ng Unibersidad ng Texas para sa Pananaliksik para Panlipunang Gawa) na ang pinakamadalas maiulat na pangmatagalang epekto ng Ecstasy ay kinabibilangan ng matinding kalungkutan at mas napababang kakayahang magtuon ng atensiyon. Natuklasan din ng mga mananaliksik na ang paulit-ulit na paggamit ng Ecstasy ay naiuugnay sa kaguluhan sa pagtulog, pag-uugali at pagkabalisa; mga panginginig o mga pagkislot; at
mga problema sa memorya.

“Suwerte at buhay pa ako, pero narito ako’t nasa akin ang mga araw, mga buwan at mga taon pagkatapos ng trauma. Kinailangan kong harapin ang nagawa nito sa akin para sa buong buhay ko…. Nararanasan ko ang lahat, anumang banggitin mo. Matinding kalungkutan, Pagkabalisa, stress, [paulit ulit na] bangungot sa gabi, at matitinding sakit ng ulo ang ilan sa mga bagay na nakaapekto sa akin matapos akong gumamit ng Ecstasy. Muntik na akong mamatay. Isang gabi lang, kaunting [Ecstasy] pills, at pag-inom ng alak. Talagang nakamamatay ang drogang ito, at nagpapasalamat ako’t buhay pa ako. Hindi ko maipaliwanag kung gaano kahirap ang palaging makipaglaban sa mga bangungot na ito. Gumigising akong pawis na pawis at nagpapasalamat sa Diyos, at nagpapasalamat dahil isang bangungot lang ulit. Pinagdarasal kong sa pagdaan ng panahon ay mawawala rin ang mga bangungot… Walang sulit na droga.” —Megan