ANO ANG COCAINE?
Ang salitang cocaine ay tumutukoy sa drogang nasa pulbos o mala-kristal na anyo.1Ang pulbos na anyo ay kadalasang ihinahalo sa mga bagay tulad ng gawgaw, talko (pulbos) at/o asukal o iba pang mga droga tulad ng procaine (lokal na pampamanhid) o mga amphetamine.
Hinango mula sa dahon ng coca, ang cocaine ay unang ginawa bilang isang painkiller. Kadalasan ay sinisinghot ito, at ang pulbos ay nakukuha ng daluyan ng dugo sa pamamagitan ng mga himaymay sa loob ng ilong. Maaari rin itong mainom o maipahid sa mga gilagid.
Para mas mabilis pa itong tumalab sa katawan, itinuturok ito ng mga umaabuso, pero pinapalaki nito nang lubos ang panganib ng overdose (pagkasobra sa dosis ng droga). Ang paglanghap dito bilang usok o singaw ay nakapagpapabilis ng pagkuha ng katawan dito, nang mas may kaunting panganib sa kalusugan kaysa sa inheksiyon.
Nakamamatay na puting pulbos
Ang cocaine ay isa sa pinakamapanganib na droga na kilala sa tao. Sa sandaling nagsimulang gumamit ang tao ng drogang ito, napatunayang halos imposibleng maging malaya mula sa kapit nito sa pisikal at pangkaisipang paraan. Sa pisikal na paraan ay pinasisigla nito ang pinakamahahalagang receptor (mga dulo ng nerbiyos na nakakasagap ng mga pagbabago sa katawan) sa loob ng utak na lumilikha ng matinding kasiyahan at siya namang madaling pumapatag o nawawalan ng epekto. Tanging malalaking dosis at mas madalas na paggamit lamang ang maaaring makapagdulot ng parehong epekto.
Sa ngayon, ang cocaine ay isang pandaigdigang multibilyong dolyares na negosyo. Ang mga gumagamit nito ay mula sa anumang edad, trabaho at pang-ekonomiyang estado, pati na mga estudyanteng kasing-bata ng walong taong gulang.
Ang cocaine ay maaaring humantong sa kamatayan mula sa problema sa paghinga, stroke, pagdurugo sa utak o atake sa puso. Ang mga anak ng mga inang adik sa cocaine ay nailuwal sa mundo bilang mga adik mismo. Maraming nagdurusa mula sa mga depekto mula pa sa pagkasilang at marami pang ibang problema.
Sa kabila ng mga panganib nito, ang paggamit ng cocaine ay patuloy na tumataas—malamang dahil sa nahihirapan ang mga gumagamit nito sa pagtakas mula sa mga unang hakbang sa mahaba at madilim na landas na humahantong sa pagkalulong.
- 1. Sa mala-kristal nitong anyo, tinatawag itong crack cocaine. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang Ang Katotohanan Tungkol sa Crack Cocaine sa seryeng ito.