MAAARI BA AKONG MA-ADIK SA ECSTASY?
Nakaaadik ba ang Ecstasy? Maraming ganoon ang inaakala. Ngunit kahit na hindi maadik ang isang gumagamit, may apat na talagang tunay na panganib:
PANGANIB #1: Noong 1995, mababa pa sa 10% ng mga pildoras na Ecstasy na nasa bentahan ay purong MDMA. Ang mga kasalukuyang gumagamit ng Ecstasy ay kadalasang gumagamit ng kombinasyon ng maraming iba’t ibang klase ng mga droga, at kadalasan ay nakalalasong mga bagay.
PANGANIB #2: Kailangang patuloy na itaas ng isang tao ang dami ng drogang ginagamit para lamang maramdaman ang parehong mga epekto. Sinasabi ng mga gumagamit na ang epekto ng Ecstasy ay napabababa nang malaki pagkatapos ng unang dosis. At sa paginom ng mas marami pa, dumarami rin ang negatibong mga epekto ng droga.
Dahil sa nababawasan ang hinahangad na epekto mula sa paggamit ng droga, madalas na sinusubukan ng tao ang ibang droga na mas mapanganib pa.
PANGANIB #3: Pakiramdam ng mga gumagamit na minsan ay kailangan nilang gumamit ng ibang droga tulad ng heroin o cocaine para makatulong sa pangkaisipan at pisikal na sakit na nagiging resulta pagkatapos humupa ang epekto ng Ecstasy; 92% ng mga gumagamit ng Ecstasy ay umaabuso rin ng iba at mas malakas pang droga.
PANGANIB #4: Ang maling ideya na maganda ang pakiramdam ng isang tao dahil lamang sa Ecstasy ay humahantong sa pagnanais na gamitin ito nang mas madalas kaysa sa mga rave at techno party lamang; tulad ng ibang stimulant (pampasiglang) droga, patuloy na gumamit ng Ecstasy ang mga tao, sa kabila ng pagdanas sa mga hindi kanais-nais na mga epekto.
“Maraming tao akong naririnig na nag-uusap tungkol sa Ecstasy, tinatawag itong nakasisiya at hindi mapanganib na droga. Ang tanging naiisip ko ay, ‘Kung alam lang nila.’
“Sa loob ng limang buwan, nagbago ako mula sa isang taong nabubuhay nang kahit papaano ay responsable habang inaabot ko ang pangarap ko, tungo sa isang taong wala man lamang pakialam sa kahit na ano—at mas high ako, mas malalim ang paglubog ko sa isang madilim at malungkot na lugar. Kapag natulog ako, nagkakaroon ako ng mga bangungot at pangangatog. Maputla ako, pumipintig ang sakit ng ulo ko at nagsisimulang makaramdam ng paranoia, pero hindi ko pinansin ang lahat ng ito, iniisip na normal lang ang lahat. Hanggang sa isang gabi akala ko ay namamatay na ako.
“Kinuha ng Ecstasy ang aking lakas, ang udyok, mga pangarap, mga kaibigan, ang apartment ko, ang pera ko at higit sa lahat, ang aking katinuan. Araw-araw akong nag-aalala tungkol sa hinaharap at kalusugan ko. Maraming kabundukang dapat akyatin, pero plano kong patuloy na umakyat dahil isa ako sa mga masusuwerte.” —Lynn