MGA PAINKILLER: ISANG MAIKLING KASAYSAYAN
Ang mga opiate, unang nakuha mula sa opium poppy, ay ginamit nang ilang libong mga taon parehong para sa libangan at panggagamot. Ang pinaka-aktibong sangkap sa opium ay ang morphine—ipinangalan mula kay Morpheus, ang diyos ng mga pangarap ng mga Griyego. Ang morphine ay isang napakalakas na painkiller, ngunit sobrang nakaka-adik din ito.
Noong ika-16 siglo, ang laudanum, opium na ihinanda sa solusyon ng alkohol, ay ginamit bilang isang painkiller.
Ang morphine ay unang kinuha mula sa opium sa isang purong anyo noong unang banda ng ika-19 siglo. Ito ay malawakang ginamit bilang isang painkiller noong Digmaang Sibil ng Amerika, at maraming sundalo ang naadik dito.
Ang codeine, isang mas mahinang drogang natatagpuan sa opium ngunit maaaring artipisyal na magawa (gawa ng tao), ay unang ibinukod noong 1830 sa Pransiya ni Jean-Pierre Robiquet, para ipalit sa hindi pa naprosesong opium para sa medikal na paggamit. Pangunahin itong ginagamit bilang panlunas sa ubo.
Sa kabuuan ng unang bahagi ng ika-19 siglo, ang panlibangang paggamit sa opium ay lumaki at pagdating ng 1830, naging pinakamataas ang pagkalulong ng mga Briton sa droga. Ang mga Briton ay nagpadala ng mga bapor-na-pandigma sa dalampasigan ng Tsina noong 1839 bilang sagot sa tangka ng Tsina na supilin ang trapiko ng opium, simula ng “Unang Digmaan ng Opium.”
Noong 1874, ang mga kimikong nagsusubok na makatuklas ng isang mas hindi nakakalulong na anyo ng morphine ay lumikha sa heroin. Ngunit dalawang beses na mas malakas ang heroin sa morphine, at hindi nagtagal ay naging isang seryosong problema ang adiksyon sa heroin.
Ipinagbawal ng Kongreso ng Estados Unidos ang opium noong 1905 at noong sumunod na taon ay ipinasa ang Pure Food and Drug Act na nag-uutos ng paglalagay ng tatak na nagsasaad ng mga nilalaman sa lahat ng mga gamot.
Ang Methadone ay unang ginawa noong 1937 ng siyentipikong Aleman na si Max Bockmühl at Gustav Ehrhart sa kumpanyang IG Farben. Naghahanap sila ng isang painkiller na mas madaling magagamit sa pag-oopera, na may mas mababang posibilidad na makahumaling kaysa sa morphine o heroin.
Gayunpaman, ang methadone ay pinaniniwalaan ng karamihan na mas nakaaadik pa kaysa sa heroin.
Samantala, biglang lumakas ang ilegal na kalakalan ng opium. Sa pagdating ng 1995, 2,500 tonelada kada taon ang nalilikha ng Timog Silangang Asya.
May mga bagong painkiller na lumabas sa merkado nang may pahintulot mula sa Food and Drug Administration: Vicodin noong 1984, OxyContin noong 1995 at Percocet noong 1999.
Ang lahat nang ito ay artipisyal (gawa ng tao) na mga opiate na gumagaya sa sariling mga painkiller ng katawan.