HEROIN: ANO BA ITO?
Ang heroin ay isang nakakalulong at ilegal na droga. Ginagamit ito ng milyong adik sa buong mundo na hindi kayang mapaglabanan ang udyok na patuloy na gumamit ng drogang ito araw-araw sa kanilang buhay—alam na kapag tumigil sila, haharapin nila ang hilakbot ng withdrawal (biglaang pagtigil sa paggamit sa isang gamot o droga na nagdudulot ng hindi magandang epekto sa katawan at isipan).
Ang heroin (tulad ng opium at morphine) ay gawa mula sa mga resin ng halamang poppy. Ang mala-gatas at mala-dagtang opium ay inaalis muna mula sa supot ng buto ng bulaklak na poppy. Ang opium na ito ay ginagawang puro para makagawa ng morphine, at pagkatapos ay ginagawa pang mas puro para makagawa ng iba’t ibang klase ng heroin.
Karamihan sa mga klase ng heroin ay itinuturok, lumilikha ng karagdagang panganib para sa gumagamit, na humaharap ng mga panganib na may kinalaman sa AIDS o iba pang impeksiyon na karagdagan sa hirap na dala ng pagkalulong.
“Pinutol ng heroin ang komunikasyon ko sa buong mundo. Itinakwil ako ng mga magulang ko. Hindi na ako ginustong makita ng mga kaibigan at mga kuya ko. Naging mag-isa ako.”
– Suzanne
Ang mga pinagmulan ng heroin
Ang heroin ay unang nilikha noong 1898 ng Bayer pharmaceutical company ng Alemanya at ibinebenta bilang gamot para sa tuberculosis at para na rin bilang gamot sa pagkalulong sa morphine.
Isang malupit na siklo
Noong mga 1850, ang pagkalulong sa opium ay isang napakalaking problema sa Estados Unidos. Ang “solusyon” ay ang bigyan ang mga adik sa opium ng mas mahina at “hindi nakaka-adik” na pamalit—morphine. Hindi naglaon, ang pagkalulong sa morphine ay naging isang mas malaking problema kaysa sa pagkalulong sa opium.
Tulad ng sa opium, ang problema sa morphine ay nilutas ng isa pang “hindi nakaka-adik” na pamalit—heroin, na lumabas na mas nakaka-adik pa kaysa morphine. Kasabay ng problema sa heroin ay isa pang “hindi nakaka-adik” na pamalit—ang drogang kilala ngayon bilang methadone. Unang nilikha noong 1937 ng mga Alemang siyentipikong nagnanais na makatagpo ng isang pampamanhid na maaaring gamitin sa mga operasyon, iniluwas ito sa Estados Unidos at pinangalanang “Dolophine” noong 1947 para sa merkado. Binago ang pangalan at ginawang methadone, hindi naglaon ay malawak na ginamit ang droga bilang gamot sa pagkalulong sa heroin. Sa kasawiang palad, lumabas na mas nakaka-adik pa ito kaysa sa heroin.
Noong huling banda ng 1990, ang porsiyento ng pagkamatay ng mga adik sa heroin ay tinatantiyang kasing-taas ng 20 beses na mas mataas kaysa sa nalalabing bahagi ng populasyon.