ISANG PANDAIGDIGANG EPIDEMIYA NG ADIKSYON
Tinataya ng United Nations Office on Drugs and Crime (Tanggapan para sa Droga at Krimen ng Nagkakaisang Mga Bansa) na ang pandaigdigang produksiyon ng amphetamine-type stimulants (mga tipo ng mga amphetamine na pampasigla), na kinabibilangan ng methamphetamine, ay halos 500 metro tonelada kada taon, na may 24.7 milyong umaabuso sa drogang ito.
Iniulat ng pamahalaan ng Estados Unidos noong 2008 na halos 13 milyong taong higit sa edad na 12 taon ang gumamit ng methamphetamine— at 529,000 sa mga ito ay regular na gumagamit.
Noong 2007, 4.5% ng mga Amerikanong nasa huling taon ng mataas na paaralan at 4.1% ng mga mag-aaral sa ika-sampung baitang ay naiulat na gumagamit ng methamphetamine kahit minsan lamang sa kanilang buhay.
Sa Estados Unidos, ang porsiyento ng mga tinatanggap sa pagpapagamot dahil sa pang-aabuso sa methamphetamine at amphetamine ay tumaas nang tatlong beses mula sa 3% noong 1996 hanggang 9% noong 2006. Ang ilang estado ay may mas mataas na porsiyento, tulad ng Hawaii, kung saan 48.2% ng
mga taong humihingi ng tulong dahil sa pang-aabuso sa droga at alkohol noong 2007 ay mga gumagamit rin ng methamphetamine.
Isa itong drogang malawakang inaabuso sa Republika ng Czech. Doon ay tinatawag itong Pervitin at ginagawa ito sa maliliit at tagong mga laboratoryo at mangilan-ngilang bilang ng mas malalaking laboratoryo. Sa pangunahin, ang pagkonsumo rito ay lokal ngunit ang Pervitin ay iniluluwas din sa ibang bahagi ng Europa at Canada. Ang Republika ng Czech, Sweden, Finland, Slovakia at Latvia ay nagbalitang ang mga amphetamine at methamphetamine ay sumasakop sa pagitan ng 20% at 60% ng mga taong humihingi ng tulong na magamot sa
pag-abuso sa droga.
Sa Timog-Silangang Asya, ang pinakakaraniwang anyo ng methamphetamine ay isang maliit na pildoras—tinatawag na Yaba sa Thailand at Shabu sa Pilipinas.