3.3 Basahin ang booklet

Basahin: Pangmatagalang Mga Epekto ng Sintetikong Marijuana

PANGMATAGALANG MGA EPEKTO NG SINTETIKONG MARIJUANA

Ang pangmatagalang mga epekto sa mga tao ay hindi ganap na alam, ngunit iniulat ng mga eksperto sa mga poison center na ang mga epekto ng sintetikong marijuana ay maaaring mapanganib sa buhay.

Maaaring nakaka-adik ito at humantong sa mga sintomas ng withdrawal na kinabibilangan ng masidhing paghahangad dito, mga bangungot, matinding pagpapawis, pagkahilo, panginginig, mga sakit ng ulo, matinding kapaguran, hindi makatulog, pagtatae, pagsusuka, mga problema sa pag-iisip nang malinaw at pagpapabaya sa ibang interes o ibang mga katungkulan.

Pagkatapos ng paulit-ulit at pangmatagalang paggamit ng droga, maaaring makaranas ang
mga gumagamit ng pagiging makalimutin at kalituhan. Ang ilang mga gumagamit ay nag-ulat na nakararanas sila ng pagkaparalisa.

Natuklasan ng Wyoming Department of Health na 16 kaso ng pinsala sa bato ang naganap pagkatapos ng paggamit ng droga sa anim na estado ng Estados Unidos.4

NAPARALISA PAGKATAPOS HUMITHIT NG SPICE

“Pagkatapos gumamit ng Spice nang ilang linggo, isang gabi ay nagising ako nang maaga, nahulog sa sahig, hindi maigalaw ang aking mga paa at hindi maigalaw ang aking mga balakang. Ang tanging nakaya kong gawin ay ang kaladkarin ang aking sarili sa pamamagitan ng aking mga braso at hindi iyon gaanong umuubra. Kaya’t nasa sahig lamang ako sa loob ng 13 oras, sumisigaw, sinusuntok ang sahig at nanghihingi ng tulong. Sabi ng mga doktor na kung dalawang oras pa ang napalipas, namatay siguro ako. Mananatili ako sa loob ng ospital sa loob ng matagal na panahon.” —L.D.

GANITO ANG IMPIYERNO

“Gusto kong ibahagi ang aking karanasan sa K2. Sinira nito ang buhay ko. Noong sinubukan kong humithit ng K2 sa unang pagkakataon, para bang naghalu-halo ang lahat sa para bang “fuzz” na makikita mo sa isang telebisyon. Naaala kong naisip kong ‘Ganito ang impiyerno.’ Ang tanging nararamdaman ko ay matinding takot. Nakarinig ako ng mga boses ng mga kapamilya, mga pagbabalik-tanaw sa mga panahong bata pa ako, ang pinakamasamang karanasan ko. Sobra ang panginginig ko, at takut na takot ako at maysakit. Mula noong araw na iyon, araw-araw na napakatindi ng pagkabalisa ko. Kinailangan kong tumigil sa pag-aaral dahil napakasama ng pagkabalisa ko.” —J.W.

WALA NA TALAGA AKO ROON

“Nasobrahan ako sa Spice at mula noon hindi na ako katulad ng dati. Nakaupo lamang ako doon at humihithit hanggang sa tinamaan ako. Hindi ako makakita nang maayos o makalakad at nagsuka ako ng mga 6 o 7 beses. Ginising ko ang nanay ko at ihiniga niya ako sa sofa at tinawag ang ambulansiya. Mga 10 minuto bago dumating ang ambulansiya, nagsimula akong magkaroon ng mga panginginig. Nagising ako sa ospital, naka-life support na. Nagkaroon ako ng atake sa puso*nang ilang oras at akala nila na hindi na ako magigising, ngunit nalagpasan ko ito at hindi na ako katulad ng dati. Nauutal na ako nang madalas ngayon at hindi na ako makapagtuon ng konsentrasyon sa kahit anuman. Magkukuwento ako at bigla na lang akong mabablangko at hindi ko alam kung ano ang nangyari. Lagi kong nakikita ang mga tuldok na iyon at talagang basta wala na ako doon.”—D.Y.

ISANG DATING ADIK

“Dati akong adik sa sintetikong marijuana. Naadik ako habang nasa probation (subok na paglaya). Ginamit ko ito para ma-high at hindi ito nakikita ng mga drug test. Mula isang gramo o kaunti pa sa isang araw, itinaas ko ito hanggang 3 o 4 na gramo kada araw. Habang nagpatuloy ang adiksyon ko, ang kakayahan kong kumontrol ng pangunahing mga ugali at mga motor skill** ay humina. Naging mas mapusok ako kapag sumama ang loob ko, na naging padalas nang padalas sa pagtagal at pagtagal ng paggamit ko. Isang araw ay nagkaroon ako ng psychotic break kung saan wala akong maalala at halos pinatay ko ang asawa ko. Naaresto ako at binawi ang probation ko. Mula noong mapakawalan ako, ibinabahagi ko ang aking karanasan sa iba para mahimok sila na huwag gamitin ang drogang ito.”—S.W.

BAYOLENTE AT HINDI MAKATWIRANG PAG-UUGALI

Noong Agosto 2013, isang 21 taong gulang na ina na nasa ilalim ng impluwensiya ng Spice ay itinapon ang kanyang apat na taong anak sa basurahan at noong inaresto ng pulis ay hindi maalala kung nasaan ang kanyang anak. Nang lumaon ay nabawi ang kanyang anak mula sa basurahan at kinuha ng pulis, na siya namang naghabilin sa kanya sa Child Protective Services. Kinasuhan ang ina sa pag-iwan sa kanyang anak.

Noong Enero 2011, isang kabataang taga-Omaha ay bumaril ng dalawang tagapamahala ng paaralan, pumatay ng isa, bago siya mismo nagpakamatay. Isiniwalat ng mga medikal na pagsusuri na mayroon siyang K2 sa sistema niya.

Isang 21-taong gulang na lalaking taga-Louisana ang naglalaslas ng lalamunan habang high sa K2 sa unang pagkakataon. Sa kabutihang palad, nakontrol ng kanyang ina ang pagdurugo hanggang sa dumating ang tulong.

  1. * atake sa puso: isang biglaan at minsan ay panandaliang pagtigil ng puso
  2. ** motor skill: sinasadyang paggalaw ng mga kalamnan para makagawa ng partikular na mga kilos