ECSTASY
“Sa isang rave party, nakita ko ang isang lalaking uminom nang maraming Ecstasy na ilang oras na paulit-ulit na nagsasabi ng ‘Dalandan ako, huwag n’yo akong balatan, dalandan ako, huwag n’yo akong balatan.’ Akala naman ng isang lalaki na siya ay isang langaw at ayaw niyang tigilan ang pag-untog sa ulo niya sa isang bintana. —Liz
“Ayos lang naman ang mga rave party basta hindi ka gumamit ng Ecstasy. Ngunit sa oras na masimulan mo na ito, iisipin mong ang mga taong nagsasabi sa iyong tumigil ay mga tanga. Sisimulan mong isiping nakahanap ka na ng isang bagay na napakaganda at hindi dapat subukan ng ibang sabihan ka ng kabaliktaran. Kapag nagsimula mo nang magustuhan ang Ecstasy, huli na ang lahat. Lubog ka na.” —Pat
“Suwerte at buhay pa ako, pero narito ako’t nasa akin ang mga araw, mga buwan at mga taon pagkatapos ng trauma. Kinailangan kong harapin ang nagawa nito sa akin para sa buong buhay ko—sabihin mo, naranasan ko na iyong lahat.
“Matinding kalungkutan, Pagkabalisa, stress, [paulit ulit na] bangungot ng gabi, at matitinding sakit ng ulo ang ilan sa mga bagay na nakaapekto sa akin matapos akong gumamit ng Ecstasy. Muntik na akong mamatay. Isang gabi lang, kaunting [Ecstasy] pills, at pag-inom ng alak. Talagang nakamamatay ang drogang ito, at nagpapasalamat ako’t buhay pa ako. Hindi ko maipaliwanag kung gaano kahirap ang palaging makipaglaban sa mga bangungot na ito. Gumigising akong pawis na pawis at nagpapasalamat sa Diyos, at nagpapasalamat dahil isang bangungot lang ulit. Pinagdarasal kong sa pagdaan ng panahon ay mawawala rin ang mga bangungot. Walang sulit na droga.” —Liz
“Maraming tao akong naririnig na nag-uusap tungkol sa Ecstasy, tinatawag itong nakasisiya at hindi mapanganib na droga. Ang tanging naiisip ko ay: Kung alam lang nila.
“Sa loob ng limang buwan, nagbago ako mula sa isang taong nabubuhay nang kahit papaano ay responsable habang inaabot ko ang pangarap ko, tungo sa isang taong wala man lamang pakialam sa kahit na ano. At mas high ako, mas malalim ang paglubog ko sa isang madilim at malungkot na lugar. Kapag natulog ako, nagkakaroon ako ng mga bangungot at pangangatog. Maputla ako, pumipintig ang sakit ng ulo ko at nagsisimulang makaramdam ng paranoia, pero hindi ko pinansin ang lahat ng ito, iniisip na normal lang ang lahat. Hanggang sa isang gabi akala ko ay namamatay na ako.
“Kinuha ng Ecstasy ang aking lakas, ang udyok, mga pangarap, mga kaibigan, ang apartment ko, ang pera ko at higit sa lahat, ang aking katinuan. Araw-araw akong nag-aalala tungkol sa hinaharap at kalusugan ko. Maraming kabundukang dapat akyatin, pero plano kong patuloy na umakyat dahil isa ako sa mga masusuwerte.”—Lynn
“Nabaliw ako dahil sa Ecstasy. Isang araw ay kumagat ako ng salamin, tulad ng pagkagat ko sa isang mansanas. Kinailangan pang mapuno ang bunganga ko ng bubog para magising ako sa kung ano ang nagyayari sa akin. Minsan naman ay isang oras akong nagpunit ng mga basahan gamit ang mga ngipin ko.”—Ann