HEROIN

“Pinutol ng heroin ang komunikasyon ko sa buong mundo. Itinakwil ako ng mga magulang ko. Hindi na ako ginustong makita ng mga kaibigan at mga kuya ko. Naging mag-isa ako.”
 
Suzanne

“Mula sa araw na nagsimula akong gumamit, hindi na ako tumigil. Sa loob lamang ng isang linggo ay nagsimula ako sa pagsinghot ng heroin at tumuloy ito sa pagtuturok. Sa loob lamang ng isang buwan ay naadik na ako at ginagamit na ang lahat ng naipon ko. Ibinenta ko na ang lahat ng mahalaga sa akin at hindi naglaon ay pati na rin ang lahat ng mahalaga sa ina ko. Sa loob ng isang taon, nawala na sa akin ang lahat.

“Ibinenta ko ang kotse, nawalan ako ng trabaho, pinaalis sa bahay ng nanay ko, may $25,000 na utang sa credit card, at nakatira sa mga kalsada ng Camden, New Jersey. Nagsinungaling ako, nagnakaw, nandaya.

“Ginahasa ako, binugbog, ninakawan, inaresto, walang tahanan, maysakit at walang pag-asa. Alam kong walang puwedeng magkaroon ng ganoong klase ng buhay nang napakatagal at alam kong nalalapit na ang kamatayan. Kung anuman, ang kamatayan ay mas mabuti kaysa sa buhay bilang isang adik.”  Alison

“Ang mga droga ay katumbas ng kamatayan. Kapag wala kang ginawa para makaalpas dito, mamamatay ka. Ang maging adik ay ang makulong. Sa simula, iisipin mong ang droga ay kaibigan mo (pakiramdam mo ay tinutulungan ka nitong matakasan ang mga bagay o mga pakiramdam na bumabagabag sa iyo). Pero hindi magtatagal ay malalaman mo na lamang na gumigising ka sa umaga’t ang tanging iniisip mo na lang ay droga.

“Ang buong araw mo ay nauubos sa paghahanap o paggamit ng droga. Naha-high ka buong hapon. Sa gabi, pinapatulog mo ang sarili mo gamit ang heroin. At nabubuhay ka para doon lamang. Ikaw ay nasa isang bilangguan. Patuloy mong iniuuntog ang ulo mo sa isang pader, walang tigil, ngunit wala kang kahahantungan. Sa kahuli-hulihan, ang bilangguan mo ang iyong nagiging kulungan.”  Sabrina