Basahin: Mga Epekto ng Crack Cocaine
MGA EPEKTO NG CRACK COCAINE
Ano ang panandaliang mga epekto ng crack cocaine?
Ang crack cocaine ay nagdudulot ng panandalia’t matinding high na kaagad na sinusundan ng kabaliktaran nito—napakatinding kalungkutan, pagka-iritable at paghahanap pa para sa droga. Ang mga taong gumagamit nito ay madalas na hindi kumakain o natutulog nang maayos. Nakararanas sila ng matinding pagbilis ng tibok ng puso, pamumulikat ng mga kalamnan at mga kombulsyon. Ang droga ay maaaring magparamdam sa mga tao na paranoid sila,1 galit, makaramdam ng kasamaan at mabalisa, kahit na hindi sila “high”.
Gaano man karami o gaano man kadalas gamitin ang droga, pinatataas ng crack cocaine ang panganib na maaaring makaranas ng atake sa puso, stroke, atake o kabiguan sa paghinga ang tao, alinman dito ay maaaring magresulta sa biglaang kamatayan.
Ang paghithit ng crack ay naghahain pa ng serye ng mga panganib sa kalusugan. Ang crack ay kadalasang ihinahalo sa ibang substansyang lumilikha ng nakalalasong mga usok kapag sinunog. Dahil hindi nananatiling may bisa ang usok ng crack nang matagal, ang mga pipa para sa crack ay karaniwang napakaiikli. Madalas itong nagdudulot ng biyak-biyak na mga labi, na kilala bilang “crack lip,” mula sa napakaiinit na pipang idinidiin sa mga labi ng mga gumagamit.
“Ang tanging nasa isip ko ay crack cocaine. At kapag may nag-alok sa iyo nito, susunggaban mo ito at kukunin mo ito. Para ba itong pag-aalok sa isang gutom ng tinapay pagkatapos niyang maglakad nang ilang kilometro. . . .
“Umabot ito sa sukdulan noong dalawang beses kada linggo na ako humithit. Isang araw ay nagpasya akong puno na ako—hindi ko na kayang mabuhay nang ganito. At nagtangka akong magpakamatay.
“Kailangan kong magsubok at lumaban....Sana ay gumana ang udyok kong mabuhay.” —John
Ano ang pangmatagalang mga epekto ng crack cocaine?
Karagdagan sa karaniwang mga panganib na kaugnay sa paggamit ng cocaine, ang mga gumagamit ng crack ay maaaring makaranas ng matitinding problemang may kinalaman sa paghinga, kabilang na ang pag-ubo, kakapusan sa paghinga, pinsala sa baga at pagdurugo.
Ang pangmatagalang mga epekto mula sa paggamit ng crack cocaine ay kinabibilangan ng matinding pinsala sa puso, atay at mga bato. Ang mga gumagamit ay malamang na magkaroon ng nakahahawang mga sakit.
Ang patuloy at araw-araw na paggamit nito ay nagdudulot ng kawalan ng kakayahang matulog at kawalan ng gana sa pagkain, na nagreresulta sa malnutrisyon. Ang paghithit ng crack cocaine ay maaari ring magdulot ng agresibo at paranoid na pag-uugali.
Dahil sa ang crack cocaine ay umaantala sa pagpoproseso ng utak sa mga kemikal, mas marami’t mas marami ang kailangan ng isang tao para lamang maging “normal” ang pakiramdam nila. Ang
mga taong nalulong sa cocaine (tulad ng sa ibang droga) ay nawawalan ng interes sa iba pang bahagi ng buhay.
Ang paghupa ng epekto ng droga ay nagdudulot ng napakatinding kalungkutan, na nagiging mas malalim at mas malalim pagkatapos ng bawat paggamit. Nagiging napakalala nito na gagawin ng isang tao ang kahit ano para lamang makuha ang droga—pati na pumatay ng tao. At kapag hindi siya makakuha ng cocaine, maaaring maging napakatindi kalungkutan na maaari nitong itulak ang adik na magpakamatay.
“Nagretiro ako bilang isang matagumpay na ehekutibo ng isang kompanya na nakapagpatapos ng dalawang anak na babae sa kolehiyo at pinaghirapan ko ang aking pagreretiro. Gayunpaman, ang party ko sa pagreretiro ang simula ng limang taong impiyerno. Iyon ang unang beses na naipakilala ako sa crack cocaine. Sa loob ng susunod na limang taon, nawala sa akin ang aking tahanan, ang aking asawa, ang lahat ng aking mga pinagkukunang-yaman, ang kalusugan ko at halos pati na rin ang buhay ko. Halos dalawang taon din ang itinagal ko sa kulungan.” — William
PISIKAL AT PANGKAISIPANG MGA EPEKTO
PANANDALIANG MGA EPEKTO
Dahil hinihithit ito, ang mga epekto ng crack cocaine ay mas agaran at mas matindi kaysa sa pulbos na cocaine.
- Kawalan ng gana sa pagkain
- Napabilis na tibok ng puso, napataas na presyon ng dugo, napataas na temperatura ng katawan
- Sumikip na mga ugat (daluyan ng dugo)
- Napabilis na paghinga
- Napalaking mga balintataw
- Putul-putol at magulong pagtulog
- Pagkaduwal
- Hyperstimulation
- Kakaiba, pabugsu-bugso at minsan ay marahas na pag-uugali
- Mga guni-guni, sobrang hindi mapakali at pagka-iritable
- Guni-guning may kinalaman sa panamdam na lumilikha ng ilusyon ng mga insektong gumagapang sa ilalim ng balat
- Napakatinding kasiyahan
- Pagkabalisa at paranoia
- Matinding kalungkutan
- Napakasidhing paghahangad sa droga
- Hindi mapakali at psychosis
- Mga kombulsyon, mga seizure at biglaang kamatayan mula sa matataas na dosis (kahit na isang beses lamang)
PANGMATAGALANG MGA EPEKTO
- Permanenteng pinsala sa mga daluyan ng dugo sa tainga at sa utak, mataas na presyon ng dugo, humahantong sa mga atake sa puso, mga stroke at kamatayan
- Pinsala sa atay, bato at baga
- Matitinding sakit sa dibdib
- Ganap na kasiraan sa sistemang panghinga
- Nakahahawang mga sakit at mga nana kapag itinuturok
- Malnutrisyon, pagbawas ng timbang
- Matinding pagkabulok ng ngipin
- Guni-guni sa pandinig at pandama
- Mga problemang sekswal, pinsalang may kinalaman sa reproduksyon at pagkabaog (parehong sa lalaki at babae)
- Kawalan ng oryentasyon, apatiya, litong kapaguran
- Pagiging iritable at paiba-iba ng ugali
- Mas padalas na pagkakaroon ng mapanganib na ugali
- Deliryo o pagkabaliw
- Napakatinding kalungkutan
- Kawalan na ng epekto ng droga at pagkalulong (kahit pagkatapos lamang ng minsanang paggamit)
- 1.paranoid: mapagduda, walang tiwala o takot sa ibang tao