Basahin: Ano ang Crack Cocaine?
ANO ANG CRACK COCAINE?
Ang crack cocaine ay ang kristal na anyo ng cocaine, na karaniwang nasa anyong pulbos.1 Solidong bloke ang mga ito o mga kristal na iba-iba ang kulay, dilaw, mapusyaw na kulay-rosas o puti.
Ang crack ay iniinit at hinihithit. Pinangalanan itong crack dahil lumalagitik ito o pumuputok kapag ininit.
Ang crack, ang pinakamalakas na anyo ng cocaine, ay ang siya ring pinakamapanganib. Ito ay mga 75% hanggang 100% puro, mas malakas at mas mabisa kaysa sa regular na cocaine.
Ang paghithit sa crack ay nakapagpapaabot dito sa utak nang mas mabilis at sa gayon ay nakapagbibigay ng matindi at agarang high—na nagtatagal ng mga 15 minuto lamang. At dahil maaaring magkaroon ng adiksyon nang mas mabilis kung hinihithit ang substansya sa halip na sa pagsinghot (pinapadaan sa ilong), maaaring maadik ang isang abusado sa kanyang unang beses ng paggamit sa crack.
Dahil sa kamahalan ng cocaine, matagal na itong itinuring na “droga ng mayaman.” Ang crack, sa kabilang banda naman, ay ibinebenta sa mga presyong napakababa na kahit mga binatilyo’t dalagita ay puwedeng makabili nito—sa una. Ang katotohanan ay sa oras na naadik na ang tao, bubulusok paitaas ang mga bayarin katumbas ng daming kinakailangan para masuportahan ang bisyo.
“Halos isang taon akong nanirahan kasama ang isang adik sa crack. Mahal ko ang adik na iyon, ang nobyo ko, nang buong puso ko, pero hindi ko na talaga [ito] matagalan.
“Pinigilan at kinapkapan ako ng mga pulis; ni-raid kami noong 6 ng umaga. Walang tigil na nagnakaw ang ex ko at hindi ko siya maitiwalag mula sa kanyang pipa.
“Sa tingin ko ay mas masama ang crack kaysa sa heroin—isang pipa lang ang kailangan para maging isa kang imoral na halimaw.”— Audrey
- 1. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa cocaine sa pulbos nitong anyo, tingnan ang Ang Katotohanan Tungkol sa Cocaine.