Basahin: Bakit Gumagamit ng Droga Ang Mga Tao?
BAKIT GUMAGAMIT NG DROGA ANG MGA TAO?
Gumagamit ng droga ang mga tao dahil may gusto silang baguhin sa buhay nila.
Heto ang ilan sa mga dahilan sa paggamit ng mga droga na ibinigay ng mga kabataan:
- Para makibagay
- Para “makatakas” o makapag-relaks
- Para mapawi ang pagkabagot
- Para maging parang matanda
- Para magrebelde
- Para mag-eksperimento
Akala nila na ang mga droga ay solusyon. Ngunit kalaunan, ang mga droga ang nagiging problema.
Mahirap mang harapin ang mga problema, ang mga kalalabasan ng paggamit ng droga ay palaging mas malala kaysa sa problemang sinusubukang lutasin sa paggamit ng mga ito. Ang tunay na kasagutan ay ang alamin ang mga katotohanan at hindi gumamit ng mga droga sa simula pa lamang.
Paano Gumagana Ang Mga Droga?
Ang mga droga ay mga lason. Ang dami na ginamit ang makatitiyak sa resulta.
Ang kaunti ay nagsisilbing pampasigla (nagpapabilis sa iyo). Ang mas marami ay nagsisilbing sedatibo (pinababagal ka). Ang mas marami pa ay nakalalason at maaaring makamatay.
Ito ay totoo sa kahit anumang droga. Tanging ang daming kinakailangan para makamit ang epekto ang naiiba.
Ngunit maraming droga ang may ibang panganib: ang mga ito ay direktang nakaaapekto sa isipan. Maaaring pasamain ng mga ito ang pag-unawa ng gumagamit sa nangyayari sa kanyang paligid. Bilang resulta, ang mga kilos ng taong iyon ay maaaring maging kakaiba, hindi makatwiran, hindi naaangkop at maaari pang mapanira.
Hinaharangan ng mga droga ang lahat ng mga pandama, ang mga kanais-nais ay pinapalitan ng
mga hindi kanais-nais. Kaya, habang nagdudulot ng panandaliang tulong sa pagpapaginhawa ng sakit, tinatanggal din ng mga ito ang kakayahan at kalistuhan at pinalalabo ang pag-iisip.
Ang mga medisina ay mga drogang inilayon para mapabilis, mapabagal o mabago ang isang bagay tungkol sa paano gumagana ang iyong katawan, para subukang mapahusay ang paggana nito. Minsan ay kinakailangan ang mga ito. Ngunit ang mga ito ay mga droga pa rin: kumikilos ang mga ito bilang mga pampasigla o mga sedatibo, at ang sobra ay makamamatay sa iyo. Kaya’t kapag hindi mo gagamitin ang mga medisina tulad ng kung papaano dapat gamitin ang mga ito, maaaring maging kasing-panganib ng ilegal na mga droga ang mga ito.
Naaapektuhan ng Mga Droga Ang Isipan
Karaniwan, kapag naaalala ng isang tao ang isang bagay, ang isipan ay napakabilis at ang impormasyon ay mabilis na dumarating sa kanya. Ngunit ang mga droga ay nagpapalabo ng mga alaala, lumilikha ng blankong mga lugar. Kapag ang isang tao ay nagsusubok na kumuha ng impormasyon sa kabila ng malabong kaguluhang ito, hindi niya ito magawa. Ang mga droga ay nagdudulot sa isang taong makaramdam na siya ay mabagal o tanga at nagdudulot sa kanyang magkaroon ng mga kabiguan sa buhay. At kapag parami nang parami ang kanyang mga kabiguan at pahirap nang pahirap ang buhay, gugustuhin niyang gumamit ng mas maraming droga para matulungan siya nitong humarap sa mga problema.
Sinisira ng Mga Droga ang Pagkamalikhain
Isang kasinungalingang sinasabi tungkol sa mga droga ay na tinutulungan nitong maging mas malikhain ang isang tao. Ang katotohanan ay talagang ibang-iba.
Ang taong malungkot ay maaaring gumamit ng mga droga para makaramdam ng kaligayahan, ngunit hindi ito epektibo. Maaaring iangat ng mga droga ang isang tao sa isang huwad na uri ng kasiyahan, ngunit kapag kumupas na ang droga, babagsak siya nang mas mababa pa kaysa sa dati. At bawat beses, ang emosyonal na pagbagsak ay pababa nang pababa. Kalaunan, lubusang sisirain ng droga ang lahat ng pagkamalikhaing mayroon ang isang tao.
“Sa loob ng panahong gumagamit ako ng droga, akala ko na kontrolado ko ang buhay ko at na napakaganda nito. Ngunit sinira ko ang lahat ng ipinundar ko at ipinaglaban sa aking buhay. Pinutol ko ang lahat ng ugnayan ko sa mga kaibigan at pamilya kong hindi gumagamit ng droga, kaya wala akong ibang mga kaibigan kundi ang mga kasamahan ko sa paggamit ng droga. Ang bawat araw ay naging tungkol sa iisang bagay: ang plano ko sa kung paano ko makukuha ang perang kailangan ko para sa droga. Gagawin ko ang lahat ng posible para makuha ang aking amphetamine. Iyon lang ang tanging bagay sa buhay ko.” —Pat
“Pakiramdam ko’y mas nakakatuwa ako kapag lasing ako. Hindi nagtagal pagkatapos [ko sinimulang uminom] “naipakilala” ako sa marijuana…. Sumunod, tumatambay ako sa bahay ng isang kaibigan at humihithit ng marijuana nang may naglabas ng isang supot ng cocaine. Ang pagsinghot ng cocaine ay mabilis na naging pang-araw-araw na bisyo. Nagnanakaw ako ng pera mula sa negosyo ng aking mga magulang at mula sa mga lolo’t lola ko araw-araw para matustusan ang aking mga bisyo sa alkohol, cocaine, marijuana at LSD. Kalaunan ay “naipakilala” ako sa OxyContin at nagsimulang regular na gumamit nito. Noong malaman ko na sugapa na pala ako, ang pagsinghot ng OxyContin ay bahagi na ng aking pang-araw-araw na gawain. Kinailangan ko ng mas malakas na droga—at “ipinakilala” ako sa heroin. Walang makapipigil sa aking maging bangag. Nagwawagi ang pagkalulong ko. At bawat beses na sinubukan kong tigilan ito, ang pisikal na masidhing paghahangad ay magtutulak sa aking maghangad pa ng mas marami.” — Edith