Basahin: Ano ang Crystal Meth?
ANO ANG CRYSTAL METH?
Ang Crystal meth ay ang maikling tawag sa crystal methamphetamine. Isa lamang ito sa mga anyo ng drogang methamphetamine.
Ang methamphetamine ay isang puting mala-kristal na drogang ginagamit ng
mga tao sa pamamagitan ng pagsinghot dito, paghithit dito o pagtuturok dito gamit
ang karayom. Iniinom pa ito ng iba, ngunit ang lahat ay nagkakaroon ng matinding pagnanasang ituloy ang paggamit nito dahil lumilikha ang droga ng hindi tunay na pakiramdam ng kaligayahan at kabutihan—isang bugso ng tiwala sa sarili, sobrang pagkamalikot at enerhiya. Nakararanas din ng huminang gana sa pagkain. Sa pangkalahatan, ang mga epekto ng drogang ito ay tumatagal mula anim hanggang walong oras, ngunit maaari rin itong tumagal nang 24 oras.
Ang unang karanasan ay maaaring kabilangan ng kasiyahan, ngunit sa simula pa lamang, sinisimulang wasakin ng methamphetamine ang buhay ng gumagamit nito.
Ano ang Methamphetamine?
Ang methamphetamine ay isang ilegal na drogang nasa katulad na klase ng cocaine at mga iba pang matatapang na mga droga sa kalye. Marami itong palayaw—meth, crank, chalk o speed ang pinakakaraniwang mga tawag. (Tignan ang listahan ng
mga sikat na tawag.)
Ang crystal meth ay ginagamit ng mga indibidwal sa iba’t ibang edad, ngunit karaniwang ginagamit ito bilang isang “club drug,” ginagamit habang nagpa-party sa mga night club o sa mga rave party. Ang common street name nito ay ice o glass.
Ito ay isang mapanganib at malakas na kemikal, at tulad ng lahat ng droga, isang lason na nagsisilbing stimulant (pampasigla) sa una ngunit pagkatapos ay sisirain nang buo ang katawan. Kaya iniuugnay ito sa malalalang pangkalusugang kondisyon, kabilang na ang pagkawala ng alaala, pananakit, baliw na pagkilos at potensiyal na pinsala sa puso at utak.
Sobrang nakaka-adik, sinusunog ng meth ang enerhiya ng katawan, lumilikha ng nakasisirang pag-asa sa droga na maaari lamang maibsan sa pamamagitan ng paggamit pa ng mas maraming droga.Talagang napakatindi ng epekto ng crystal meth, at marami sa mga gumagamit ang nagsasabing nahu-hook (naaadik) sila rito mula sa unang beses nila itong gamitin.
“Sinubukan ko ito minsan at BOOM! Naadik ako,” sabi ng isang adik sa meth na nawalan ng pamilya, mga kaibigan, ng propesyon bilang isang musikero at nawalan ng tahanan.
Kaya, sa mga adiksyon sa droga, isa ito sa pinakamahirap gamutin at marami ang namamatay sa kapit nito.
“Nagsimula akong gumamit ng crystal meth noong nasa huling taon ako sa mataas na paaralan. Bago matapos ang una kong semestre sa kolehiyo, naging napakalaking problema ng meth na kinailangan kong mag-dropout. Mukha akong may bulutong, mula sa mga oras na pagtitig sa sarili ko sa salamin at pagkutkot sa mukha ko. Ginugol ko ang buong panahon ko sa paggamit ng meth, o sa pagsubok na makuha ito.”
—Anne Marie